
Mga Nangungunang Probinsya sa Pagsumite ng Local Cultural Inventory
Tingnan ang mga nangungunang probinsya sa pagsusumite ng Local Cultural Inventory (LCI) sa Philippine Registry of Cultural Property (PRECUP) Office
alinsunod sa Batas Republika Bilang 10066 na patuloy na isinulong ng Joint Memorandum Circular 2018-01 ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) at ng Komisyon.
Higit na nakatulong sa pagpapataas ng porsyento ng pagsusumite ng LCIs mula sa mga LGUs ang pagpasa ng RA 11292, “An Act Establishing and Institutionalizing the Seal of Good Local Governance for Local Government Units, and Allocating for this Purpose the Seal of Good Local Governance (SGLG) Fund” o SGLG Law. Ayon sa talaan ng PRECUP, nagsimula ang mabilisang pagdami ng LCIs sa buwan ng Abril 2019 kung kailan nailimbag sa Official Gazette ang naturang batas. Nakapaloob dito ang pagkakaroon ng cultural property inventory ng LGUs bilang panukat sa pamantayang “Tourism, Heritage Development, Culture and Arts”.
Nangunguna naman sa listahan ang mga probinsya ng Quezon, Cavite, at Rizal (100% ang mga nagsumiteng LGUs). Kasama rin ng mga ito ang Laguna at Batangas. Sa ngayon, ang CALABARZON (IV-A) ang nangugunang rehiyon sa dami ng nagsumite ng LCI. Ang pag-angat sa listahan ng mga naturang probinsya ay dahil sa pangunguna ng DILG CALABARZON noong 2019 na nangasiwa sa pagpapasa ng mga ito sa PRECUP.
Ang Rehiyon I ay makikitang aktibo sa pagkakaroon ng SGLG na may pinakamataas sa dami na nakuhang gantimpala mula rito sa mga nakaraang taon. Tatlo sa apat na probinsya nito ay kasama sa sampung may pinakamataas na pagsusumite sa PRECUP, binubuo ito ng Pangasinan, Ilocos Norte, at La Union.
Ganoon din kaaktibo sa SGLG ang mga probinsya ng Isabela na lagi nakatatanggap ng gantimpala sa mga nakaraang taon at Benguet na nakamit ang gantimpala nang ilang beses.
Ang pinakamataas na porsyento ng pagsusumite ng LCIs ay sa taon 2019 pa rin.
Inaasahan din ang pagtaas ng pagsusumite ngayong taon dahil sa Joint Memorandum Circular 2021-001 ng Komisyon at ng DILG na tumatalakay sa paglalabas ng Certificate of Compliance sa mga LGU para sa taunang pagsusumite. Ang mga makatatanggap ng nasabing dokumento ay ang mga LGU na may kumpletong pagpapasa sa PRECUP.
Upang makipag-ugnayan, mangyaring magpadala ng sulat sa precup@ncca.gov.ph/precup.pilipinas@gmail.com.
Tingnan ang Live Submission Status ng LCIs sa link na ito: https://docs.google.com/spreadsheets/d/1LcXIfW-aRYxyrk5WblvhpUB2LbYsNs4f_dHNOozhyo4/edit#gid=1666571934